VP Sara, handang tukuyin si ‘Mary Grace Piattos’ kung gugulong ang impeachment trial laban sa kanya | News Light

📅  |  ✏️ Updated

Handa si Vice President Sara Duterte na pangalanan ang tinaguriang ‘Mary Grace Piattos’ na isa umano sa mga benepisyaryo ng kontrobersiyal na confidential funds ng bise presidente.

Ayon ito kay Atty. Michael Poa, spokesperson ng defense team ni VP Sara.

Aniya, handa ang bise presidente na ilahad ang mga detalye ng kanyang confidential funds basta sa tamang forum.

Naniniwala si Poa na angkop na forum ang impeachment trial para ilabas ang mga detalye ng confidential funds—iyon ay kung gugulong ang paglilitis ng Senado laban kay VP Sara.

Nanindigan ang defense team ng bise presidente na hindi maaaring ilabas sa ngayon ang mga detalye ng confidential funds dahil malalagay sa peligro ang mga ongoing operations nito.

ADVERTISEMENT

Mababatid na kontrobersiyal ang confidential funds ni VP Sara dahil ginastos niya ang P125 milyon na pondo sa loob lamang ng 11 araw.

Bigo ang impeachment trial laban kay Duterte noong nakaraang taon matapos itong ideklarang unconstitutional ng Supreme Court.

Sa ngayon ay may dalawang bagong impeachment case laban kay VP Sara dahil sa umano’y betrayal of public trust at korapsyon.