Vlogger na ex-pulis, inaresto dahil sa paninira sa gobyerno

📅 June 18, 2025 12:20 PM PHT  |  ✏️ Updated June 18, 2025 06:38 PM PHT
👤 Billy Torres  |  📂 Balitang A2Z, Latest News

Inaresto ang vlogger at dating pulis na si Francis Steve Fontillas dahil sa umano’y mapanira at banta sa gobyerno sa social media.

Ayon sa NCRPO, nahuli ang trenta’y uno anyos na si Fontillas base sa warrant of arrest ng Quezon City RTC branch 224 para sa kasong Inciting to Sedition at paglabag sa Cybercrime Prevention Act.

Aabot sa P36,000 ang maaaring piyansa.

Batay sa reklamo, nag-post si Fontillas sa Facebook noong March 12-13 ng mga banta na patataubin ang gobyerno at kalabanin ang Interpol habang naka-police uniform pa siya.

Binira rin ni Fontillas ang pag-aresto kay dating pangulong Duterte at nagbitiw ng banta laban sa International Criminal Court at Interpol.

Pinuna din niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sinabing hindi siya susunod sa mga ilegal na utos nito at pwedeng ipaaresto ang pangulo pagkatapos ng kanyang termino.

Naghain ng kaso ang QCPD habang wala na si Fontillas sa serbisyo.