Ligtas nang nakabalik sa Pilipinas ang unang batch ng overseas Filipino workers na naipit sa sigalot sa Middle East.
Sinalubong ng mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration at Department of Migrant Workers ang kabuuang 31 Pinoy na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport pasado alas-7 ng gabi noong Hunyo 24.
Karamihan sa mga OFW ay mula sa Israel, ngunit may ilan ding mula sa Jordan, Palestine, at Qatar.
Mababatid na naantala ng ilang oras ang pagdating ng unang batch matapos magsara ng airspace ang Qatar noong Lunes ng gabi bunsod ng opensiba ng Iran.
Sa ngayon, umaabot na sa mahigit 300 ang kabuuang bilang ng mga Pilipinong nagpasaklolo sa gobyerno upang makauwi, at inaasahang darating na ang susunod na batch ngayong linggo rin.
Tiniyak naman ng pamahalaan ang suporta sa lahat ng OFWs na nais nang makabalik ng bansa, gayundin ang ayuda upang makapagsimula muli sa Pilipinas sa kanilang pag-uwi.