Transport strike ng Manibela, tuloy sa Martes; Grupong Piston, kinalampag ang LTO | News Light

📅
👤 Newslight  |  📂 News Light, Latest News

“Kung gusto n’yong maging masaya ang Pasko ng bawat mamamayang Pilipino, dapat mabigyan ng hustisya ang korapsyon.”

‘Yan ang sagot ni Mar Valbuena kasabay ng pagdedeklara niya ng transport strike ng transport group na Manibela sa Martes.

Ayon sa presidente ng grupo, sila ay naglilingkod sa mga mananakay na naghahanapbuhay at mga estudyante na kung saan kakaunti lamang ang kanilang kita, ngunit hindi umano naipagkakaloob ang hustisya dahil sa hinihinging payola o suhol ng Land Transportation Office (LTO) sa mga jeepney driver kapalit ng hindi pag-impound sa kanilang mga unit.

Sumagot naman si Valbuena sa pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na ipamasko na lamang sa mamamayang Pilipino ang pagbawi ng transport strike.

Giit ni Valbuena, kailangan nila ng konkretong aksyon mula sa gobyerno dahil para rin ito sa kapakanan ng mga driver at mananakay.

ADVERTISEMENT

Nakipag-usap na ang mga opisyal ng LTO noong Sabado sa grupong Manibela at nangakong iimbestigahan ang mga ulat ng pangongotong at pag-impound sa mga pampublikong jeep na inirereklamo ng transport group

Ngunit matapos ang dayalogo, ayon kay Valbuena, isa na namang pag-uusap na walang pinatunguhan at walang aksyon ang nagawa ng pamahalaan.

Dagdag pa ng lider ng grupong Manibela, hangga’t walang ginagawa ang gobyerno laban sa korapsyon sa hanay ng transportasyon, tuloy ang nationwide transport strike ng Manibela pati na rin ng iba pang transport group. (Austin Gonzaga/News Light)