TNVS group, inalmahan ang holiday cap sa surge pricing ng LTFRB | News Light

📅  |  ✏️ Updated

Umalma ang TNVS Community Philippines sa memo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pinababawasan ang surge pricing ngayong holiday season.

Ani ng grupo, ang pinababang surge pricing cap na epektibo tuwing peak Christmas period ay makaaapekto sa kita at availability ng mga rider kapag mataas ang demand.

Pahihinain din umano nito ang fare structure ng TNVS—na kinokonsidera ang trapiko, distansya ng pagpi-pick up, at operating costs.

Daing ni spokesperson Lisza Redulla, kompensasyon ang surge fee sa mga biyaheng naaantala ng matinding trapiko at paiba-ibang demand, bukod pa sa mataas pa ring presyo ng petrolyo.

Posible umanong magtulak ito sa mga driver na mag-offline na lamang kung lugi rin lang ang kita, at mahihirapan namang makasakay ang mga komyuter.

Depensa ni LTFRB Chairman Vigor Mendoza, pansamantala lamang naman ang hakbang, mula Dec. 17, 2025 hanggang Jan. 4, 2026, kung kailan marami ang bumabyahe.

ADVERTISEMENT

Layon din ng Memorandum Circular (MC) 2025-056 na solusyunan ang reklamo ng mga pasahero hinggil sa hindi malinaw na computation sa surge pricing.

Sa dating fare matrix na MC 2019-036, nilimitahang hindi dumoble sa base fare ang surge pricing, na ayon kay Mendoza ay walang espesipikong computation at nagdulot ng maraming reklamo.

Detalyado na ito sa kasalukuyang matrix, na nilimitahan namang hindi humigit pa sa pinagsamang per-kilometer at per-minute charge ang surge pricing. (Denniel Salayo/News Light)