May tiyansang tanggapin ng bansang The Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung pagbibigyan ito ng interim release ng International Criminal Court (ICC), ayon kay Atty. Maria Kristina Conti.
Pahayag ni Conti, counsel assistant sa ICC, nandoon na rin lang sa bansa ang dating presidente kaya mas mainam na roon na lamang ito manatili kaysa bumiyahe pa sa ibang bansa. Dagdag pa ng abogado, sinabi umano ng depensa na ilagay muna si Duterte sa Dutch territory at nanawagan pang i-house arrest ito sa The Netherlands.
Ayon pa kay Conti, makakaapekto nang malaki ang behavior na ipinapakita ng pamilya ni Duterte sa desisyon ng korte para sa interim release. Lahat umano ay inirerekord, kabilang ang pananakit ng asawa nitong si Honeylet sa isang pulis, pati na ang pagkuwestyon at mga pahayag ng anak nitong si Vice President Sara Duterte.
Hindi rin umano makatotohanan ang problema sa kalusugan ng nakatatandang Duterte, dahil sinisigurado umano ng mga biktima ng extrajudicial killings at ng mismong medical professionals ng ICC na maayos ang kanyang kalagayan para matuloy ang paglilitis.
ADVERTISEMENT
Sakaling totoo na may health concerns nga ang dating presidente at hindi lamang propaganda, dapat iparating niya ito mismo sa ICC, ayon kay Conti. (Denniel Salayo/ News Light)



