Suspek sa pagpatay sa dating Vice Mayor ng Dolores, Quezon, patay makaraang maka-engkwentro ang kapulisan

📅 June 24, 2025 04:29 PM PHT  |  ✏️ Updated June 24, 2025 11:49 PM PHT
👤 rasibag  |  📂 DZJV Radyo CALABARZON, Featured, Latest News, Quezon
Photo courtesy: Ylou Dagos

Patay ang isang lalaking suspek sa pagpaslang kay dating Dolores, Quezon Vice Mayor Danilo Amat sa San Pablo City noong 2022, matapos makaengkuwentro ng mga awtoridad sa Brgy. Malao-a, Tayabas City, nito lamang Biyernes, June 20.

Ayon sa report, ang napatay na suspek ay isa sa tatlong dating bodyguard ng biktima na nauna nang sinampahan ng kaso noong August 2022.

Batay sa ulat ng Tayabas City Police Station, dakong 5:00 ng madaling araw nang magsilbi ng warrant of arrest ang mga pulis laban sa suspek para sa kasong murder, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code).

Subalit nang mamataan umano ng suspek ang mga pulis, agad itong nagpaputok, dahilan upang gumanti rin ng putok ang mga awtoridad.

Tinamaan ng bala ang suspek at isinugod pa sa ospital, ngunit idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Narekober sa pinangyarihan ang isang caliber .45 na baril.