Student discount kahit may mga class suspension at holiday, dapat ibigay ng mga public transportation ayon sa LTFRB | News Light

📅 November 20, 2025 12:21 PM PHT  |  ✏️ Updated November 21, 2025 1:09 PM PHT

Nagpaalala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga pampublikong transportasyon na hindi nagbibigay ng mga student discount sa mga estudyante kapag may mga suspendidong klase at mga holiday.

Sa isang press release ng LTFRB, binigyang-diin ito ni LTFRB chairperson Atty. Vigor Mendoza matapos makakalap ng mga reklamo kung saan hindi nagbibigay ng 20% na diskwento sa mga estudyante kahit may mga suspensyon ng klase at mga holiday.

Nilinaw ng LTFRB na may batas na umiiral dito — ang Republic Act 11314 o “An Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount Privileges on Public Transportation” — kung saan nakasaad sa Section 4 ng batas na hangga’t naka-enroll ang estudyante ay dapat pa rin itong makatanggap ng diskwento sa pasahe kahit pa weekends o holiday.

ADVERTISEMENT

Dahilan naman ng ilang mga tsuper, kung wala namang pasok ay baka gumagala lamang ang mga naka-ID upang makadiskuwento ang mga estudyante, at para bang lugi sila sa kanilang hanapbuhay.

Ngunit ayon sa batas, maaari silang patawan ng higit ₱15,000 na multa at marevoke ang kanilang pamamasada.

Binigyang-diin din ng LTFRB ang hindi lamang pagbibigay ng diskwento sa mga estudyante, kundi pati na rin sa mga senior citizen at persons with disabilities o PWD. (Austin Gonzaga/News Light)