Ipinahayag ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ginagawa nila ang lahat ng hakbang upang hindi makapasok sa Mindanao ang red-striped soft scale insect (RSSI) na nagpapababa sa produksyon ng tubo.
Ayon kay SRA Administrator Pablo Luis Azcona, ang Mindanao ang may pinakamataas na paglago sa produksyon ng asukal ngayong crop year, na umabot sa 150,000 metric tons, kung saan 97,000 metric tons ang mula sa Bukidnon.
Sa isang press briefing sa Kabankalan City, sinabi ni Azcona na mahigpit nilang binabantayan ang pagbiyahe ng tubo, tulad ng isang trak mula Negros Oriental patungong Bukidnon na pinatigil muna upang matiyak na walang insektong taglay ang mga tanim.
Batay sa datos, nasa higit 2,000 ektarya na ng taniman ng tubo ang apektado ng infestation.
Sa kabila nito, higit 200 ektarya na ang unti-unting nakakabawi mula sa mga peste.