Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bagong PNP chief na pangunahan ang patuloy na pagmamatyag ng kapulisan sa mga komunidad, partikular para masugpo ang ilegal na droga.
Sa change of command ceremony ng PNP nitong Lunes, sinabi ng Pangulo na magpapatuloy ang mga big-time drug bust operation maging ang pagpapakulong sa mga sangkot sa produksiyon at pagbebenta ng illegal drugs.
Pero ayon sa Pangulo, dapat na walang ligtas kahit ang mga small-time drug dealer, bagay na naging malagim sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakapiit sa International Criminal Court dahil sa crimes against humanity bunsod ng mga pinatay sa drug war.
Pinawi naman ng bagong PNP chief ang pangamba at pagdududa sa bagong marching order ng Pangulo.
ADVERTISEMENT
Ayon kay PNP Chief Nicolas Torre III, sisiguruhin ng kapulisan ang karapatang pantao ng mga arestuhin dahil sa ilegal na droga.
Pagdiin ni Torre, ang mga inarestong indibidwal ay dapat na manatiling buhay, hindi binaril o pinatay.
Sinabi ito ni Torre dahil magiging bagong sukatan ng performance ng PNP ang bilang ng mga naaresto dahil sa illegal drugs.
Handa naman ang PNP na imbestigahan ang kanilang hanay sakaling may kaso ng pang-aabuso sa bagong paramihan metrics sa pag-aresto.




