‘Sign of insincerity’: DOJ, hindi ikinatuwa ang ‘finger heart’ ni Sarah Discaya | News Light

📅  |  ✏️ Updated

Hindi ikinatuwa ng Department of Justice (DOJ) ang inasta ng kontratista na si Sarah Discaya matapos itong mag-finger heart sa mga miyembro ng media habang papasok sa ahensya nitong weekend.

Humaharap kasi sa DOJ ang mag-asawang Sarah at Curlee Discaya noong Sabado, September 27, para sa case build-up na isinasagawa ng kagawaran laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Bahagi ito ng pakikipagtulungan nila sa DOJ bilang mga protected witness sa ilalim ng Witness Protection Program.

Pero sa halip na sagutin ang tanong ng media, nag-finger heart ang kontratista, na nagpapakita raw ng kawalan ng sinseridad, ayon kay DOJ spokesperson Jose Dominic Clavano IV.

ADVERTISEMENT

Aniya, nagpapakita rin ito na nagiging kampante ang mga Discaya sa kabila ng nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa korapsyon sa flood control projects at iba pang government infrastructure.

Ikinagalit din ng netizens at ilang personalidad ang inasta ni Discaya.

Hindi anila sineseryoso ng mga Discaya ang umano’y pagnanakaw at katiwalian na ginawa nila sa taumbayan.

ADVERTISEMENT

Nagpapakita rin daw ito ng kawalan ng konsensya ng mag-asawa.

Kaya pinayuhan ng DOJ ang lahat ng sangkot na magpakumbaba at magpakatino.

Ayon kay Clavano, dapat ayusin ng mga sangkot ang kanilang asal kung talagang nais nilang mapasama sa Witness Protection Program ng DOJ.

ADVERTISEMENT