Seguridd ng mga manggagawang Pilipino at paglaban sa korapsyon ang ilan sa mga binigyang-diin ni Senador Joel Villanueva sa unang sampung panukala na kanyang inihain para sa ika-20 na kongreso.
Inihain ng senador ang Security of Tenure and End of Endo Act na may layong wakasan ang endo at labor-only contracting at mabigyan ng seguridad sa trabaho ang mga manggagawa.
Kaugnay nito, inihain rin ni Villanueva ang Living Wage Act na layong iakma ang minimum na sahod sa bawat Regional Wage Board sa makatarungang pamantayan ng pamumuhay.
Dalawa naman sa panukala ay para sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFW).
Ang OFW Hospital Act na magbibigay prayoridad sa kalusugan at kaligtasan ng OFW at kanilang dependents, at ang An Act Expanding the Use of Legal Assistance Fund for OFWs na gagawing agaran ang tulong legal para sa mga biktima ng pang-aabuso at krimen.
Dalawang panukala rin para sa paglaban ng korapsyon ang inihain kabilang ang paglikha ng National Independent Commission Against Corruption (NICAC) na magpapatupad ng mga polisiya kontra korapsyon.
Inihain rin ni Villanueva ang People’s Freedom of Information Act, na layon namang tiyakin ang transparency ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kabilang pa si inihain ng senador ang Freelancers Protection Act, ang Anti-Online Gambling Act, at ang Magna Carta on Religious Freedom Act na layong protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino sa pagpili at pagpapahayag ng relihiyon o paniniwala.