Sen. Lacson, naghain ng panukalang batas para limitahan ang social media sa mga bata | News Light

📅 July 3, 2025 11:03 AM PHT  |  ✏️ Updated July 3, 2025 01:41 PM PHT
👤 Dawn Pamulaya  |  📂 News Light, Latest News

Inihain ni Senador Panfilo Lacson ang isang panukalang batas na naglalayong i-regulate ang paggamit ng social media ng mga menor de edad, kasunod ng mga pag-aaral na nag-uugnay ng labis na exposure sa social media sa mental health issues.

Ayon sa senador, batay sa ulat ng United Nations Children’s Fund, dumarami ang kabataang Pilipino na nagiging biktima ng cyberbullying, body image pressures, at online harassment.

Binanggit din niya ang datos mula sa Council for the Welfare of Children na nagpapakitang isa sa bawat tatlong batang Pilipino ang gumagamit ng internet, habang lumabas naman sa National ICT Household Survey na 60% ng mga batang edad 10 hanggang 17 ay aktibong internet users.

Paliwanag ni Lacson, tulad ng Australia na may mga hakbang para limitahan ang internet use ng kabataan, panahon na rin para ipatupad ito sa Pilipinas.

Layunin ng panukala na protektahan ang mga batang wala pang 18 taong gulang mula sa online risks at harmful content sa pamamagitan ng pagbabawal sa kanila na magkaroon ng social media accounts.

Sakaling maipatupad, inaatasan ang mga social media platforms na gumawa ng makatuwirang hakbang at age verification measures upang pigilan ang mga menor de edad sa pagrerehistro at paggamit ng kanilang serbisyo.

Ang sinumang lalabag ay mahaharap sa mga parusa sa ilalim ng Data Privacy Act at iba pang administratibo, sibil, o kriminal na kaparusahan.