Magsisimula na sa Setyembre 9 ang ikatlo at huling taas-singil sa toll fee sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx).
Ayon sa Toll Regulatory Board (TRB), madadagdagan ng ₱0.64 kada kilometro ang singil para sa Class 1 vehicles, ₱1.29 para sa Class 2, at ₱1.93 para sa Class 3.
Kabilang ito sa 2020/2022 petition na inaprubahan para sa periodic adjustments na dapat ipinatupad noong 2021 at 2023.
Halimbawa, ang mga Class 1 vehicles mula Mabalacat (Mabiga Interchange) hanggang Tarlac ay magbabayad ng karagdagang ₱25; ₱51 para sa Class 2, at ₱75 naman para sa Class 3.
Para naman sa biyahe mula Mabalacat (Mabiga) hanggang Tipo, Hermosa, Bataan, madadagdagan ng ₱40, ₱80, at ₱121 ang bayad depende sa klase ng sasakyan.
ADVERTISEMENT
Samantala, para sa buong ruta mula Tipo hanggang Tarlac, aabot sa ₱66, ₱131, at ₱197 ang dagdag-singil.
Ipinaliwanag ng TRB, Bases Conversion and Development Authority (BCDA), at NLEX Corporation na ginawa itong tatlong yugto upang hindi mabigla ang mga motorista.
Dagdag pa rito, patuloy ding nagsasagawa ng iba’t ibang proyekto sa SCTEx gaya ng modernisasyon ng RFID at toll systems, karagdagang CCTV at speed monitoring, road repairs, at mas ligtas na pasilidad sa mga rest bay.



