School choir mula Naga, itinanghal na kampeon sa int’l choir competition sa Japan | News Light

📅

Muling namayagpag ang husay ng Pilipino sa pagkanta matapos tanghaling kampeon sa isang international choir competition ang isang school choir mula sa Naga City, Camarines Sur.

Nanguna ang Naga Central School 1 Vocals Choir sa children’s choir category ng ikaapat na Sing From Kobe International Choir Competition and Festival sa Japan na ginanap mula January 15 hanggang January 19.

Sa pangunguna ng kanilang mga conductor na sina Ms. Lyn Arriola at Mary Lynn Arriola-Lara, nasungkit din ng choir ang ikalawang puwesto sa folklore category.

Itinanghal ng 39-member choir ang kanilang bersyon ng mga awiting “Anak” ni Freddie Aguilar, “Laudate,” at ang ethnic song na “Balaiki.”

Karamihan sa mga miyembro ng choir ay mula sa Grade 4 hanggang Grade 6 ng Naga Central School 1.

Ayon sa kanilang punong-guro na si Ms. Juliet Curva, nabalanse ng mga mag-aaral ang matinding pag-eensayo at ang kanilang pag-aaral.

ADVERTISEMENT

Sa flag ceremony naman ng Naga City, kinilala ang Vocals Choir at ang kanilang tagumpay sa pangunguna ni Naga City Mayor Leni Robredo.

Pinasalamatan ng grupo ang suporta ng lokal na pamahalaan sa kanilang pagsali sa kompetisyon.

Pagbati para sa paaralan, mga guro, at mga mag-aaral sa inyong tagumpay!