Isang flight ng Saudia Airlines na patungong Saudi Arabia ang nag-divert pabalik sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos makaranas ng technical problem.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP nitong Huwebes, umalis ang flight SVA 871 sa NAIA bandang 11:52 p.m. noong Miyerkules.
Ngunit makalipas ang isang oras, iniulat ng Manila Area Control Center na bumalik ang eroplano dahil sa “weather radar malfunction.”
Ligtas na nakabalik at lumapag ang eroplano sa NAIA bandang ala-una ng madaling araw na may sakay na 263 pasahero.
Sinabi ng CAAP na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa airline at mga kaugnay na ahensya upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.