Sanggol na dinukot sa Lingayen District Hospital, ligtas nang naibalik sa pamilya | News Light

📅  |  ✏️ Updated

Ligtas nang naibalik sa kaniyang pamilya ang bagong silang na sanggol na dinukot mula sa Lingayen District Hospital sa Pangasinan nitong Martes.

Ayon kay Edmar Carpio, pinsan ng sanggol na nag-post tungkol sa insidente, mismong ang dumukot na nakasuot ng scrub suit ang nakipag-ugnayan sa kanya at inaming tinangay ang bata kapalit ng ₱5,000.

Nang bumigay ang konsensya ng suspek, nagpahayag itong nais ibalik ang bata nang walang kasamang pulis, ngunit lihim na nakipag-ugnayan si Carpio sa mga awtoridad na agad ikinaaresto ng babae.

Dahil diyan, ipinahayag ni Governor Ramon Guico III na paiigtingin ang seguridad sa 14 na ospital na pinapatakbo ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang mas mahigpit na patakaran sa pagbisita at dagdag na CCTV cameras upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.