Hindi pinayagan ng Sandiganbayan na makalabas ng bansa si Pharmally official Mohit Dargani habang kinakaharap nito ang kasong graft hinggil sa mga overpriced na COVID-19 supplies.
Kinuwestiyon ng Fifth Division ng korte noong November 7 kung talaga bang kailangan ni Dargani ang mga paalam nitong 18 araw na biyahe nito patungong Spain, Germany, at Thailand at sinabing isa itong routine, maaaring gawin remotely, o pawang luho lamang.
Bago ito, nagpaalam si Dargani sa korte para bumiyahe mula November 10 hanggang 28 para sa medical check-up, family visit at pag-attend sa kasal ng kanyang pinsan; kasama na ang pagsama umano nito sa isang trade fair and business meeting.
ADVERTISEMENT
Ngunit ayon sa korte, ang mga pasaporte ni Dargani ay pinapataas ang tiansa ng pagtakas nito kapag napayagang makalabas ng bansa.
Hindi rin umano napatunayan ng akusado ang pangangailangan nito ng check-up sa ibang bansa, kung bakit hindi na lamang mag-video conference sa kasal at business conference niyang nais puntahan.
Maaalalang si Dargani, na dating corporate secretary at treasurer ng Pharmally, ay sinampahan ng graft dahil sa maanomalyaang mga transaction nito kasama ang Department of Budget and Management noong taong 2020 hanggang 2021. (Denniel Salayo/News Light)




