
Sa nalalapit na pag-uumpisa ng klase, kabi-kabila na ang Brigada Eskwela.
Pero ang isang paaralan sa Laguna, may gimik! Ano ‘yan?
Kakaibang gimik nga dahil nagkaroon ng Run and Play for Brigada ang mga magulang, maging ang mga batang mag-aaral, sa Brgy. Sta. Lucia Elementary School.
Bukod kasi sa paglilinis, meron silang fun run at volleyball game.
Ito ay bahagi ng kanilang programa para sa paglilinis ng kanilang paaralan na maaari ring makalikom ng konting pondo para sa Brigada Eskwela.
Ayon kay Mrs. Teodora Sotalbo, chairman ng Brigada Eskwela ng paaralan, malaking tulong sa kanila ang One Day League dahil higit na naging aktibo sa pagtulong ang mga magulang ng mga mag-aaral.
ADVERTISEMENT
Sa mga oras na ito ay kanya-kanyang pwesto na ng paglilinis sa paligid ng paaralan, habang katuwang din nila ang mga bata at guro.
Inaabangan din ngayon ang pagdating ng isang NGO upang magsagawa naman ng kanilang programa, kabilang ang pamimigay ng mga pagkain at libreng gupit.



