Sa botong 15 yes, 3 no, at 2 abstentions, in-adopt ng Senado ang resolusyong humihiling sa International Criminal Court (ICC) na ilagay sa house arrest si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
‘For humanitarian reasons’ ang nakasaad sa resolusyon para sa dating pangulo na humaharap sa mga kasong crimes against humanity dahil sa ‘war on drugs’ ng kanyang administrasyon.
Sa Senate Resolution No. 144 na pinirmahan nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, nakasaad na dapat may doktor sa ICC na tumingin sa kalagayan ni Duterte at suriin kung fit pa ito para sa regular detention.
Hindi naman sumang-ayon sa resolusyon sina Senador Kiko Pangilinan, Bam Aquino, at Risa Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, walang indikasyon na pinapabayaan ng ICC ang kalusugan ni Duterte at binigyang-diin na hindi niya masuportahan ang resolusyon dahil ang naganap noong drug war ay hindi lamang hallucination.
ADVERTISEMENT
Nag-abstain naman sina Senate President Tito Sotto at Senador Raffy Tulfo.
Paliwanag ni Sotto, makakabuti sa pisikal at mental na kalusugan ang house arrest ngunit dapat ikonsidera ang laban ng mga pamilya ng mga biktima para sa hustisya.



