Nag-request na ng red notice sa International Police Commission (Interpol) ang pamahalaan para sa pagtugis at pag-aresto kay dating Presidential Spokesperson Harry Roque, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kahapon.
Sa panayam kay PAOCC spokesperson Winston Casio, ang request ay isinagawa ng ahensya sa Philippine Center on Transnational Crime nang magsimula ang taon sa bisa ng dalawang basehan: qualified human trafficking at inciting to sedition.
Dagdag pa ni Casio, kasama sa request sina Ronelyn Baterna at Cassandra Ong na pawang dawit sa mga kaso hinggil sa human trafficking sa Lucky South 99 Philippine Offshore Gaming Operations (POGO); at Dennis Cunanan naman dahil sa pork barrel scam.
ADVERTISEMENT
Gayunpaman, ang request umano para kay Roque ay komplikado dahil sa pending nitong asylum sa The Netherlands; hindi rin umano ito anyo ng political persecution gaya ng pinalalabas ni Roque.
Itinanggi naman ni Roque ang mga alegasyong may kinalaman umano siya sa pang-aabuso sa Lucky South 99 POGO sa Porac, Pampanga, ngunit mananatili itong pending dahil wala pang ganap na hurisdiksyon ang Angeles City Court sa dating tagapagsalita. (Denniel Salayo/News Light)




