Posibleng nakadagdag sa problema sa flood control ng bansa ang pagkakaroon ng political dynasties, ayon sa non-government organization na Anti-Dynasty Network (ADN).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation nitong Miyerkules, binanggit ng ADN ang mga negatibong epekto ng political dynasties gaya ng humihinang accountability at pagiging “breeding ground” ng katiwalian.
Ani ADN co-convener Atty. Michaela Defensor, kita sa flood control crisis kung paanong nase-secure ng congressman ang budget papunta sa mayor at gobernador na magsasagawa ng proyekto; kung magkakamag-anak ang tatlong opisyal, dito na aniya nagkakaproblema sa “checks and balances.”
Batay sa pag-aaral umano ng ADN, 238 o 76% sa 315 miyembro ng Kamara sa 20th Congress, at 20 sa 24 na senador ang mula sa mga political dynasties.
ADVERTISEMENT
Sa Kongreso, nasa 8 kada 10 kinatawan ang nagmula sa dynastic families; 31 naman sa 61 party-list representatives ang buhat din sa dinastiya. (Denniel Salayo/News Light)



