Hindi magbabago ang defense policy ng Pilipinas lalo na sa usapin ng West Philippine Sea.
‘Yan ang paninindigan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro kasunod ng maikling paghaharap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Chinese President Xi Jinping sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Gyeongju, South Korea noong Sabado, November 1.
Nilapitan kasi ni Marcos Jr. ang Chinese President matapos ang ceremonial handover ng APEC chairmanship.
Ayon kay Marcos Jr., ito ay celebratory handshake lang at pagbati sa China dahil ito na ang mangunguna sa APEC para sa taong 2026.
Ayon pa kay Marcos Jr., ito ay muling pagpapatibay sa commitment ng Pilipinas sa pakikipagtulungan at kooperasyon sa APEC.
ADVERTISEMENT
Kung tatanungin naman si Teodoro, hindi maaaring bigyang-kahulugan ang pakikipagkamay ng Pangulo sa Chinese president.
Nananatili ang paninindigan ng Pilipinas pagdating sa international law at soberanya ng bansa, lalo na sa usapin ng West Philippine Sea, kasunod ng patuloy na pangha-harass at intimidasyon ng China sa mga mangingisda at mga tauhan ng Philippine Coast Guard.



