
Inatasan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagpapatalsik sa serbisyo ng isang police officer na instructor sa Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite matapos mapatunayang sangkot sa pangmomolestiya ng kadete noong Hulyo, 2025.
Ayon sa NAPOLCOM, napatunayang guilty sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer ang naturang pulis matapos abusuhin ang kanyang posisyon para sa pansariling kapakanan.
Iginiit ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan na hindi kukunsintihin ng komisyon ang anumang uri ng sexual misconduct sa hanay ng kapulisan, anuman ang ranggo.
ADVERTISEMENT
Batay sa ulat, naganap ang insidente matapos ang isang inuman sa pagitan ng 35-anyos na pulis at 23-anyos na biktima.
Agad humingi ng tulong ang kadete at naaresto ang suspek.
Noong Agosto 22, nagsampa ng administrative complaint ang biktima laban sa suspek, habang tiniyak ng PNPA na pinoprotektahan ang pribadong pagkakakilanlan ng biktima at paiigtingin pa ang kanilang vetting procedures para maiwasan ang kahalintulad na insidente.




