Nagbabala ang Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) na maaaring tumaas ng halos 70% ang pagtagas ng plastic waste sa kalikasan sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya, kasama ang China, Japan at South Korea, kung hindi agad magpapatupad ng epektibong hakbang.
Noong 2022, umabot na sa 8.4 milyong tonelada ang naitalang plastic wastes at maaaring umabot pa ito sa 14.1 milyong tonelada pagsapit ng 2050.
Kung makakapagpatupad ng mas mahigpit na patakaran gaya ng pagbabawal sa single-use plastics at pagpataw ng buwis, maaaring mabawasan ang paggamit ng plastics ng 28% at tumaas naman ang recycling rate ng 54%.
Samantala, susubukan muling ituloy sa Geneva ang usapan para sa isang international agreement na magtatalian sa mga bansa upang wakasan ang plastic pollution, matapos mabigo ang nakaraang negosasyon sa South Korea noong nakaraang taon.



