Planong interim release ni dating Pang. Duterte sa ICC, kinondena ng mga biktima at human rights groups

📅 June 16, 2025 12:22 PM PHT  |  ✏️ Updated June 16, 2025 12:22 PM PHT
👤 BALITANG A2Z  |  📂 Balitang A2Z, Latest News

Mariing kinundena ng tatlong grupo ang planong interim release ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte maging ang balitang hindi tututol ang ICC prosecutor sa hiling ng dating pangulo na panandaliang makalaya.

Sa isang post sa X o Twitter, sinabi ni ICC assistant to counsel na si Kristina Conti na parang binuhusan siya ng malamig na tubig lalo’t tutol dito ang mga biktima ng EJK na kaniyang kinatawan.

Mariin din tinutulan ito ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro at representative elect Antonio Tinio ang petisyon.

Giit nila, banta pa rin si duterte sa mga biktima mga saksi at imbestigasyon ng ICC.

Hinala ni Tinio, kaya madalas magbiyahe sa abroad sina Vice President Sara Duterte at representative Paolo Duterte ay para humanap ng bansang tatanggap sa dating pangulo kung sakaling makalaya.

Nagpahayag din ng pagtutol si Atty. Neri Colmenares na kinatawan ng mga biktima.

Babala niya, lalo pang tataas ang pananakot at pangha-harass kung palalayain si Duterte.

Sa kasalukuyan, hawak ng ICC pre-trial chamber ang desisyon sa petisyon.

Habang naka-iskedyul ang charges confirmation hearing sa September 23.