Pinay animator, wagi ng Environmental Sustainability Award sa design competition sa Taiwan | News Light

📅

Hindi lamang husay sa animation kundi pati malasakit para sa kalikasan ang naging susi para magwagi ang isang Pinay animator sa isang design competition sa Taiwan.

Pinarangalan ng “Environmental Sustainability Award” si Meryl Chan at ang animation film niyang “Dive and Trek” sa 2025 Taiwan International Student Design Competition.

Si Chan ang kaisa-isang Pinoy na ginawaran ng parangal sa kompetisyon na may 16,000 entries mula sa 1,000 paaralan sa buong mundo.

Ang “Dive and Trek” ay tungkol sa illegal coral harvesting at sa epekto nito sa buhay ni “Alon,” isang mangingisda na naipit sa pagitan ng pangangailangang matustusan ang anak na si Pearl at pangangalaga sa dagat na nagbibigay ng kanilang pangangailangan.

Ayon kay Chan, layon ng pelikula na bigyang-pansin ang banta ng coral harvesting at maging ang systemic pressure na kinahaharap ng mga komunidad sa mga baybaying-dagat.

Nag-aral sa School of Visual Arts (SVA) sa New York City si Chan at nagtapos nang may honors sa 2D animation.

ADVERTISEMENT

Bago pa magwagi sa Taiwan, number one na rin ang “Dive and Trek” sa SVA BFA Animation Thesis Grants at kinilala na rin ito sa iba pang festival.

Kaya pagbati, Meryl, at inspirasyon ka para sa iba pang animator na may mahahalagang kuwentong nais ibahagi sa mundo.