
Mahigit-kumulang 35,000 desisyon.
Ganyan karami ang ginagawang desisyon ng isang tao sa isang araw ayon sa mga eksperto mula sa Cornell University —mula sa pagtayo sa kama, pagpili ng almusal, hanggang sa pagharap sa trapik papasok sa trabaho.
Ngunit sa libo-libong desisyong ito, ilan sa mga ito ang tunay na galing sa puso mo? Ilan ang ginawa mo dahil gusto mo, at ilan ang dahil kailangan lang o natakot ka lang na madismaya ang iba?
Ilan ang ipinagdasal mo muna bago ginawa? At higit sa lahat, ilan ang nagbigay ng “oo” nang may kagalakan dahil ito ang kagustuhan ng Diyos para sa’yo?
Sa episode ng Straight from the Word noong January 21, napag-usapan ang people-pleasing at overaccomodating o ang sobra-sobrang pakikisama at pagbibigay ng lampas na sa ating prayoridad, o kahit na kakayahan pero hindi tayo makatanggi dahil ayaw nating madismaya sa atin ang iba.
ADVERTISEMENT
Ang takot na mapag-iwanan, makagalitan, mapahiya ay sumusuot sa pagkatao natin, ay hindi ikalulugod ng Diyos. Kaya pinapaalalahanan tayong umayon sa kagustuhan ng Panginoon para sa atin, at isaalang-alang ang sariling galak at hangganan.
May ilang katotohanan sa pagiging people pleasing at over accommodating.
Una, Hindi lahat ng “oo” ay pagmamahal.
Ang bawat pagsang-ayon ay dapat may malalim na dahilan, hindi lamang dahil sa pangamba sa reaksyon ng iba. Kapag inuuna natin ang kagustuhan ng Diyos bago ang sa atin, mas nakakasiguro tayo na ang bawat “oo” ay galing sa tunay na kalooban at hindi dulot ng takot o pangamba.
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay papasok tayo sa bawat pintuang bukas, lalong nasa hakbang paatras tayo kumukuha ng karunungan.
ADVERTISEMENT
Pangalawa, pinoprotektahan natin ang pagsang-ayon ng iba at hindi ang sarili nating kapayapaan.
Kapag nakaugalian na nating unahin ang kagustuhan ng iba bago ang sa atin, iniiba na nito kung paano natin tignan ang pansariling halaga. Hindi natin namamalayan na sa pag-iwas natin sa ‘di pagkakasundo at pagtutol ng ibang tao, naisasantabi na rin ang pananaw natin sa tamang desisyon, lalo na sa kung saan nakabatay ang ikatatahimik ng ating loob kapag gumawa ng bagay na walang pinagsisisihan. Tandaan natin na mas matimbang ang pagsang-ayon ng Diyos kaysa sa pabor ng kahit na sino.
Pangatlo, naapektuhan ang ating katapatan sa relasyon natin sa Diyos at kapwa.
ADVERTISEMENT
Kung takot tayo sa pagkadismaya ng ibang tao, nawawala ang pagiging totoo natin sa ibang tao, lalo na ang pagkakataon na maipaalam sa ating kapwa ang totoo nating katauhan. Mamumuhay tayo sa pagkukubli ng pagsang-ayon natin sa dikta at desisyon ng iba, at patuloy na matatabunan ang pagkakataong maipahayag naman natin ang sa atin. Sa ganito ring paraan, naaapektuhan ang relasyon natin sa Diyos dahil sa pagtatago ng kahinaan, bukod pa sa pagtanggi nating sumunod sa Kanya na alam ang ikabubuti natin.
Pang-apat, bumubuo ng tagong sama ng loob ang hindi pagtanggi.
Hindi lang sa personal na buhay nangyayari ang people-pleasing—umaabot din ito sa trabaho, sa bahay-sambahan at mga miyembro nito, pati na sa loob ng pamilya. Hindi man natin mamalayan, ang pagtatalo na iniiwasan natin sa pagpayag sa lahat ng bagay ay hindi binubuo kundi sumisira pa ng pagkakasundo at pagkakaisa na gusto nating mangyari. Nagkakaroon ng puwang sa ating puso ang sama ng loob na lumalaki para sa kapakanan ng pakikisama.
Ngunit ang katotohanan na dapat nating isapuso..
ADVERTISEMENT
Walang banta na mabigo natin ang gusto ng ibang tao.
Tandaan na hindi natin kinakailangang makuha ang pag-apruba ng ibang tao sa mga bagay nating gagawin. Hindi tayo ino-obliga ng Panginoon na pangalagaan ang emosyon ng bawat isang nakapaligid sa atin, bakit natin gagawin? Ang bawat tao ay may kanya, at sa pagtatapos ng araw, anuman ang ating gawin, gawin natin ito nang ang pinanghuhugutan ay ang kaluluwa at para sa Diyos—hindi sa pag-iingat na madismaya ang sinuman.
Sa dulo ng mga ito, ipagdasal natin na magkaroon ng sampalatayang unahin ang kalooban ng Diyos sa kabila ng pansariling kagustuhan na sabayan ang hinahanap sa atin ng mundo at ibang tao. Sa pagpayag nating manguna ang Diyos sa ating harapan, makikita ng lahat sa atin ang kapayapaan at pagpapala Niya nang hindi nagiging alanganin ang batayan natin ng katotohanan, ligaya, tapang, at pananalig sa Panginoon.
Ang totoong “oo” ay nagmumula sa Diyos, hindi sa takot na madismaya ang iba. Sa pagtutok sa Kanya, mas nagiging malinaw ang ating mga desisyon at mas payapa ang ating puso. (Denniel Salayo/Light TV Radio)



