Philippine women’s national football team, wagi sa AFC Women’s Asian Cup qualifiers sa Cambodia | News Light

📅 July 3, 2025 12:25 PM PHT  |  ✏️ Updated July 3, 2025 01:40 PM PHT
👤 Dawn Pamulaya  |  📂 Sportslight, Latest News, News Light

Hinangaan ang ipinakitang galing ng Philippine Women’s National Football Team matapos tambakan ang host country Cambodia, 6-0, sa 2026 AFC Women’s Asian Cup qualifiers.

Maaga pa lang ay lumamang na ang Filipinas, 4-0, pagpasok ng halftime.

Nagbukas ng iskor si Alexa Pino sa ika-18 minuto, na agad sinundan ni Isabella Serrano ng isa pang goal makalipas lang ang isang minuto.

Muling nakapuntos si Serrano mula sa kalahating bahagi ng field sa ika-36 minuto—na ikinagulat ng Cambodian goalkeeper.

Nagdagdag pa ng puntos ang Filipinas nang magresulta sa own goal ang cross ni Sofia Wunsch, bago maka-iskor si Hali Long sa simula ng second half mula sa pasa ni Angie Beard.

Si Chandler McDaniel naman ang nagtala ng ikaanim na goal sa ika-56 minuto matapos makuha ang cross ni Carleigh Frilles.

Sunod na makakaharap ng Filipinas ang Hong Kong sa Sabado, July 5, sa parehong venue.