PBBM, suportado ang K to 12 program ngunit kinakailangang ayusin muna | News Light

📅 July 3, 2025 09:42 AM PHT  |  ✏️ Updated July 3, 2025 01:49 PM PHT
👤 Newslight  |  📂 News Light, Latest News

Nilinaw ng Malacañang na hindi tutol si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa pagpapatupad ng K to 12 program, kundi naniniwala lamang siyang dapat itong pagandahin at isaayos.

Nilinaw ito ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press conference nitong Miyerkules.

Aniya, kung ano ang kasalukuyang batas para sa K to 12 ay siya munang susundin at susuportahan, ngunit kinakailangan itong ayusin.

Sinabi rin umano ng Pangulo na ang kakulangan sa paghahanda ng mga ahensya ay isa sa mga naging problema kung bakit hindi agad naging epektibo ang programa.

Bago pa nito, nauna nang ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang podcast noong Hunyo ang kanyang pagkadismaya sa K to 12.

Aniya, dagdag gastos lamang ito para sa mga magulang at hindi naman agad tinatanggap sa trabaho ang mga estudyante.

Tiniyak naman ni Castro na gagawin umano ng kasalukuyang administrasyon ang lahat ng makakaya upang maisaayos ang K to 12 program.

Matatandaang nagsumite na rin si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng panukalang alisin ang senior high school dahil sa sari-saring pagtutol at kritisismo ng ilang grupo.

Pahayag naman ni Education Secretary Sonny Angara, umuusad na ang mga hakbang para sa ikaaayos ng K to 12 program.

Samantala, ang pilot run ng enhanced curriculum ng Grades 11 and 12 para sa school year 2025–2026 ay lalahukan ng mahigit 800 paaralan sa Pilipinas. (Evan Clemente/ News Light)