Tiniyak ng Palasyo na rerepasuhin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Konektadong Pinoy bill matapos magpahayag ng pangamba ang ilang telco operator hinggil dito.
Sa ilalim kasi ng Konektadong Pinoy bill, pinahihintulutang magtayo ng cable landing stations ang kahit anong kumpanya kahit walang clearance na bahagi ng legislative franchise na nagmumula sa Kongreso.
Apela ng mga telco operators, maaaring malagay sa panganib ang seguridad ng bansa.
Pero ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, handa ang Pangulo na suriin ang panukala upang makita kung nararapat ba itong isabatas o ibasura.
Dagdag pa ni Castro, isasaalang-alang pa rin ng Pangulo ang ikabubuti ng bansa.
Layon ng Konektadong Pinoy bill na maisaayos ang internet service at mapababa ang presyo nito. (Evan Clemente/News Light)