PBBM, dismayado sa Siquijor power crisis ayon sa Palasyo | News Light

📅 June 12, 2025 03:30 PM PHT  |  ✏️ Updated June 12, 2025 03:30 PM PHT
👤 Jomar Villanueva  |  📂 Balitang Probinsya, Latest News, News Light

Galit at dismayado si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa power crisis na patuloy na nagdudulot ng abala sa probinsya ng Siquijor.

Sa kanyang pagbisita sa Siquijor, hindi naiwasan ng Pangulo ang madismaya sa power crisis doon.

Inaabot kasi ng limang oras ang brownout sa probinsya dahil sa kakulangan sa power supply at lumang power facility — dahilan para hindi makapasok sa paaralan ang mga estudyante at mawalan ng kabuhayan ang mga residente.

Problema rin ang kuryente sa mga health facility, maging ang supply ng tubig.

Ayon kay Palace press officer Atty. Claire Castro, pananagutin ng Pangulo ang mga nagpabaya sa kalagayan ng Siquijor.

Batay sa direktiba ng Pangulo, pansamantalang gagamitin ang ipadadalang two-megawatt modular generator sets para mabawasan ang mga brownout sa probinsya sa pakikipagtulungan ng National Electrification Administration at Palawan Electric Cooperative.

Samantala, binigyan ng Pangulo ang electricity provider na Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR) ng anim na buwan para resolbahin ang power crisis doon.

Ipinarepaso ng Pangulo ang kasunduan sa pagitan ng SIPCOR at Province of Siquijor Electric Cooperative para malaman kung sinong dapat managot at para masigurong hindi na mauulit ang kapabayaan sa supply ng kuryente.

Kinumpirma ng Palasyo na ang SIPCOR ay pagmamay-ari ng pamilya Villar, na siya ring nagmamay-ari ng PrimeWater na may palpak din na serbisyo pagdating sa tubig sa mga lugar ng Bulacan, Cavite, at iba pa.