Kaabang-abang ang pagdiriwang ng ika-50 season ng PBA!
Bilang bahagi ng selebrasyon, nakatakdang maglaro ang mga koponan sa Dubai at Bahrain simula Oktubre.
Ayon kay Commissioner Willie Marcial, isang laro ang gaganapin sa Dubai sa Oktubre, habang posibleng dalawang laro naman ang masaksihan sa Bahrain sa Disyembre.
Katatapos lamang ni Marcial sa Dubai kung saan siya nakipagpulong kina Ellie Flemings ng Dubai Basketball at Mark Jan Kar ng Coca-Cola Arena Dubai sa gitna ng Basketball Champions League Asia, kung saan lumahok ang Meralco Bolts bilang kinatawan ng PBA.
Bukod sa Dubai at Bahrain, may mga paanyaya rin mula sa Qatar at Saudi Arabia na mag-host ng mga laro sa susunod na taon.
Matatandaang dati nang nagdaos ng exhibition matches ang PBA sa Bahrain at Saudi, habang ang Dubai ay naging venue na ng opisyal na PBA games noong 2019 Governors’ Cup.