Patrick “Patmen” Mendoza, nagpakitang gilas sa e-sports sa Toronto, Canada | News Light

📅 June 24, 2025 01:32 PM PHT  |  ✏️ Updated June 24, 2025 02:33 PM PHT
👤 Newslight  |  📂 Sportslight, News Light

Ipinamalas ni Patrick “Patmen” Mendoza, isang baguhang team member ng Paper Rex, ang Pinoy pride matapos talunin ang Fnatic sa grand finals ng Masters Toronto, nitong Lunes ng umaga, Manila time.

Ang pagkapanalo ay nagtala rin ng kasaysayan bilang unang pagkakataon na may Pilipinong nagwagi sa isang international event sa Valorant.

Muntik na ring hindi makasali ang koponan matapos ang sunod-sunod na pagkatalo nito sa VCT Pacific Regionals. Gayunpaman, nagpakitang gilas ito upang makapasok sa playoffs at makakuha ng pwesto sa grand finals.

Ipinamalas ng Paper Rex ang tibay at disiplina nila sa apat na mapa — nanalo ito sa unang mapa na Sunset at sa kabila ng pagkatalo sa overtime sa Icebox map, bumawi ito sa Pearl map, at muling ipinakita ang tunay na team composure sa ikaapat na mapang Lotus upang manatiling lamang sa serye.

Ayon sa pahayag ni Paper Rex’ coach Alexandre “Alecks” Sallé sa isang post-match interview, kinailangan niyang paalalahanan ang team na kumalma dahil isa ito sa mga madalas nilang pagkakamali noon. Masaya siya na naiaayos ng koponan ang kanilang naging laro.

Pinangaralan din ang kanilang in-game leader na si PRX “Forsaken” Jason Susanto bilang Valorant Masters MVP.

Matapos mabigo ng dalawang international Valorant title, sa wakas, nasungkit na rin ang inaasam na pagkapanalo. Third time’s the charm ika nga. (Edrei Mallorca/ News Light)