Panukala kontra online sugal, isinusulong ng ilang senador sa 20th Congress | News Light

📅 July 2, 2025 10:44 AM PHT  |  ✏️ Updated July 2, 2025 02:00 PM PHT
👤 Jomar Villanueva  |  📂 News Light, Latest News

Isinusulong ng ilang mambabatas sa 20th Congress ang mga panukalang naghihigpit at kumokontra sa online sugal.

Kabilang si Senator Win Gatchalian, na mas pinahihigpitan ang pagpapatupad ng online sugal sa bansa.

Sa ilalim ng Online Gambling Regulatory Framework bill ni Gatchalian, itataas sa ₱10,000 ang minimum na halaga ng taya sa mga online sugal, habang ang top-up ay magiging ₱5,000.

Sa kasalukuyan, kahit ₱20 lamang ay maaari nang tumaya.

Nakasaad din sa panukala na tanging mga edad 21 pataas na lamang ang papayagang sumali sa mga online sugal, mula sa dating 18 pataas.

Binigyang-diin din ni Gatchalian ang pagbabawal sa paggamit ng GCash bilang mode of payment sa mga online sugal, dahil ito umano ang pangunahing dahilan kung bakit nagiging mas accessible ito sa mga kabataan.

Bawal na ring mag-endorso ng online sugal ang mga celebrity, at higit pang hihigpitan ang mga patalastas nito, lalo na sa mga lugar na malapit sa paaralan, simbahan, at mga tanggapan ng pamahalaan.

Samantala, isinusulong naman ni Senator Joel Villanueva ang tuluyang pagbabawal ng online sugal sa bansa.

Kabilang ang Anti-Online Gaming Act ni Villanueva sa kanyang mga priority measure para sa 20th Congress.

Matatandaang matagal nang tinututulan at kinokondena ni Villanueva ang anumang uri ng sugal, lalo na ang online sugal gaya ng e-sabong.