Mahilig ba kayong mag-share ng fake news?
Sa House Bill No. 11506 o Anti-Fake News and Disinformation Bill, itinuturing nang krimen ang paggawa at pagpapakalat ng fake news at disinformation sa kahit anong medium o platform.
Kabilang dito ang mga fake news tungkol sa karahasan, hate speech, paninira sa mga democratic institution, at mga post na nagdudulot ng panic at gulo sa publiko.
Kapag napatunayang nagpapakalat ka ng fake news, posible kang makulong ng anim hanggang labindalawang taon at may multa rin itong P500,000 hanggang P2 milyon.
Hindi lang indibidwal ang puwedeng managot, dahil susugpuin din ng Anti-Fake News and Disinformation Bill ang mga nagpapatakbo, nagpopondo, at iba pang may kaugnayan sa operasyon ng troll farms at bot networks.
Ayon kay re-elected Cagayan de Oro City 2nd District Representative Rufus Rodriguez, na may akda ng panukala, dapat na managot ang mga nagpapakalat ng fake news at disinformation—lalo na kung may kaugnayan ito sa national security.
ADVERTISEMENT
Banta rin aniya ang fake news at disinformation sa public trust at democratic institutions.
Aniya, bagamat protektado ng Saligang Batas ang freedom of expression, hindi ito absolute, batay na rin sa isang ruling ng Supreme Court noong 2008.
Ayon kasi sa Korte Suprema, bagamat may freedom of speech, expression, at press, hindi nito saklaw ang mga bastos na pahayag, paninirang puri, incitement to violence, false advertising, at banta sa public order at national security.



