Hindi lamang ngayong ikatlong quarter ng taon, kundi pangmatagalan nang diskwento ang pinag-aaralang ipatupad ng Department of Energy (DOE) para sa mga Public Utility Vehicle (PUV) drivers sa bansa.
Ayon kay DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, tuloy-tuloy na diskwento mula sa mga major oil companies ang plano nilang ipagkaloob sa mga tsuper.
Ang diskwento ay kasunod ng huling big time oil price hike noong nakaraang linggo kung saan pumalo sa halos limang piso ang dagdag sa presyo ng petrolyo.
Sa pagpupulong ng ahensya sa mga oil companies, siyam ang may kasalukuyang diskwento para sa PUV drivers at tatlo ang mayroon ding diskwento para sa Transportation Network Vehicle Services (TNVS).
Sa pagtatapos ng ikatlong quarter ng taon, muling pag-uusapan ng ahensya at ng mga kumpanya ng langis kung may babaguhin o itutuloy ang pagbibigay ng diskwento sa PUV drivers.
Para sa mga tsuper, ang PUV discount ay awtomatikong ibabawas pagkabayad.
Ilalagay rin sa kanilang website ang matrix para sa kaalaman ng mga tsuper at oil companies.