Nagawa pang makipagbarilan ng suspek sa mga rumespondeng pulis sa napaulat na shooting incident sa bahagi ng Brgy. Labas, Sta. Rosa City kahapon ng umaga.
Makikita sa kuhang video na nakikipagpalitan ng putok ang mga pulis sa papatakas na suspek. Matapos ang barilan ay agad isinugod sa pagamutan ang gunman subalit binawian na ito ng buhay.
Kinilala ni Laguna Police acting provincial director PCol. Jonar R. Yupio ang suspek na si alyas Nestor, residente ng Santa Rosa City, Laguna.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakatayo ang biktima na kinilalang si alyas Victor nang biglang dumating ang suspek bitbit ang caliber .38 revolver at agad na sinugod ang biktima.
Dito nga namagitan ang isang lalaki at ito naman ang napagtuunan ng galit at binaril sa ulo ng salarin na agarang ikinamatay ni alyas Dexter.
ADVERTISEMENT
Matapos nito ay sinundan ng suspek ang unang biktima na nagtangkang tumakas, ngunit siya ay naabutan nito at agad ding binaril ng dalawang beses.
Samantala, lumabas sa pagsisiyasat na ang suspek na si alyas Nestor ay mayroong matagal nang galit sa biktima. (Kevin Pamatmat/ News Light)



