
Ipinagbabawal na ang paliligo sa Montalban River simula sa Sitio Wawa hanggang Sitio Kayrupa ng Barangay San Rafael, Rodriguez, Rizal, na nasasakupan ng Pamitinan Protected Landscape.
Ito’y matapos ang isinagawang pagsusuri noong Marso at Abril 2025, kung saan lumalabas na mataas sa fecal coliform bacteria ang naturang ilog.
Ang bacteria na ito ay nagmumula sa mga dumi ng tao, hayop, at mga katas ng basura na humahalo sa tubig-ilog.
Ayon naman sa Protected Area Management Board, mananatiling sarado ito sa publiko hanggang ang lebel ng Fecal Coliform Bacteria sa ilog ay umabot sa pamantayang “Class C” alinsunod sa DENR Administrative Order No. 2016-08.
Samantala, patuloy naman ang ginagawang pagbabantay ng naturang departamento sa lugar upang masiguro na walang pasaway na lalabag sa naturang kautusan.