Pagtatanggal ng appendix ni ex-Congressman Arnie Teves, naging matagumpay ayon sa kaniyang kampo | News Light

📅 June 19, 2025 12:40 PM PHT  |  ✏️ Updated June 19, 2025 12:40 PM PHT
👤 Giselle Crazo  |  📂 News Light, Latest News

Matagumpay na naisagawa ang appendectomy o pagtatanggal ng appendix kay ex-Congressman Arnie Teves nitong Miyerkules ng madaling-araw sa Philippine General Hospital (PGH), ayon ‘yan mismo sa kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio.

Sakay ng ambulansya, inilipat si Teves sa PGH bandang alas-onse y medya ng gabi ng Martes matapos ang mahabang oras ng pagtiis sa sakit sa tiyan.

Ayon kay Topacio, wake-up call ito sa Bureau of Jail Management and Penology o BJMP dahil sa umano’y mabagal na tugon nito sa medical emergencies.

Tinuligsa rin ni Topacio ang korte na humawak sa kaso ni Teves na umano’y hindi sumunod sa mga panuntunan ng Korte Suprema sa paglabas ng commitment orders.

Matatandaang nahaharap ang dating mambabatas sa sampung kasong murder kaugnay ng pamamaslang kina Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa sa Pamplona, Negros Oriental noong 2023.

Na-deport si Teves mula Timor-Leste noong Mayo 29 matapos maaresto ng mga awtoridad.