Paglabag sa batas-trapiko sa ilalim ng NCAP, maaari nang makita sa ‘May Huli Ka’ website | News Light

📅 June 17, 2025 02:06 PM PHT  |  ✏️ Updated June 17, 2025 02:06 PM PHT
👤 Carlene Latuna  |  📂 Abiso Trapiko, Latest News, News Light

Inilunsad na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang website kung saan maaaring makita ang mga paglabag sa batas-trapiko sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Sa website na mayhulika.mmda.gov.ph, kailangan lamang ibigay ang plate number o conduction sticker at ang motor vehicle (MV) file number.

Ayon kay MMDA Chairman Don Artes, ang paghingi ng MV file number ay para sa dagdag na seguridad at proteksyon ng may-ari ng sasakyan.

Siguraduhin rin aniya na tama ang ilalagay na plate number at MV file number, dahil maaaring lumabas ang “No Record Found” kahit sa isang maliit na mali lamang.

Paglilinaw rin ni Artes, na mga paglabag lamang sa ilalim ng NCAP ang makikita sa website, at hindi kabilang dito ang mga nahuli ng traffic enforcer ng MMDA o lokal na pamahalaan.

Makikita rin sa website ang gabay kung paano magbayad, kung saan magbabayad ng multa, at kung paano umapela sa mga nakatalang paglabag.

Plano namang lagyan ng messages at email notifications ang website upang ipaalam ang mga bagong paglabag at pati na rin ang online payment option.