Kinansela ng Comelec Second Division ang rehistro ng Duterte Youth party-list dahil sa kabiguang sumunod sa mga kinakailangang proseso ng publication at public hearing.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, ang desisyon ay ipinasa sa botong 2-1.
Ang hakbang na ito ay bunga ng petisyong inihain noong 2019 ng apat na youth leaders — sina Reeya Beatric Magtalas, Abigail Aleli Tan, Raainah Punzalan, at Aundell Ross Angcos — na kinuwestyon ang legalidad ng rehistro ng Duterte Youth.
Ayon sa desisyon, hindi lamang nabigong tuparin ng grupo ang requirements ng batas, kundi nabulabog din ang proseso ng party-list system dahil sa paulit-ulit na pagpapalit at pagsusubstitute ng mga nominado nito.
Tinukoy ng Second Division na ang huling minutong pagbabago sa listahan ng nominees noong Mayo 2019 ay labag sa prinsipyo ng transparency at patas na representasyon.
Gayunpaman, nilinaw ni Garcia na maaari pa ring maghain ng motion for reconsideration ang Duterte Youth upang umapela sa Commission en banc, at magiging pinal lamang ang desisyon pagkalipas ng limang araw kung walang apelang ihahain.