Nagbabala ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong Linggo laban sa mga ilegal na offshore gaming website na nagpapanggap umanong lisensyado o akreditado ng ahensya.
Ayon sa PAGCOR, ginagamit ng mga naturang site ang kanilang logo at nagpapakita ng pekeng license certificates upang malinlang ang publiko.
Binigyang-diin ni PAGCOR Chairperson at CEO Alejandro Tengco na ang paggamit ng pangalan at logo ng ahensya ay malinaw na paglabag at banta sa publiko.
Muling iginiit ni Tengco na epektibo noong Disyembre 31, 2024, ipinatupad na ang pagbabawal sa lahat ng Philippine offshore gaming operations (POGO).
Hinikayat ng PAGCOR ang publiko na maging mapanuri at tiyaking lehitimo ang anumang gaming site bago makipagtransaksyon.