Pinagpaliwanag ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang mga retailers sa Samar kaugnay sa mga paninda nilang processed meat na diumano’y overpriced kahit pa umiiral sa lugar ang price freeze.
Hiningan ng DTI ng paliwanag ang apat na retailers kaugnay ng pagtaas ng presyo ng mga produktong processed meat kahit kasalukuyang pinapatupad ang price freeze.
Nais malaman ng ahensya kung may makatwirang dahilan ba sa likod ng pagtaas o sadyang nais lamang nilang manipulahin ang presyo.
Ang nasabing price freeze ay alinsunod sa Republic Act No. 7581, o ang Price Act, na kung saan kinakailangang isagawa ang price freeze sa isang lugar sa loob ng 60 days — sa oras na sumailalim ito sa state of calamity.
Sakop ng price freeze ang mga basic necessities o mga pangunahing pangangailangan ng mga tao.
ADVERTISEMENT
Matatandaang noong June 5, isinailalim ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang probinsya ng Eastern Visayas sa state of calamity dahil sa banta sa kaligtasan ng mga sasakyang dumaraan sa San Juanico Bridge.
May kalumaan na rin kasi ang naturang tulay at ayon pa sa mga eksperto ay mapanganib na ang tatlong segments nito.
Samantala, ayon kay DTI Eastern Visayas Regional Information Officer Anthea Aivi Ancheta, nagsumite na ng paliwanag ang mga establishment owners at kasalukuyan na itong ipinoproseso ng DTI. (Evan Clemente/ News Light)



