Sa pagdiriwang ng National Disability Rights Week mula Hulyo 17–23, nakikipagtulungan ang National Council on Disability Affairs (NCDA), katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa mga institusyong pang-edukasyon tulad ng state universities and colleges (SUCs) upang matiyak na mas maraming persons with disabilities (PWDs) ang magkaroon ng pantay na oportunidad sa edukasyon at trabaho.
Ayon kay Atty. Walter Jason Alava ng NCDA, layunin ng mga partnership forums sa SUCs na tukuyin ang mga kailangang hakbang para sa edukasyon ng PWDs.
Alinsunod ito sa temang “Innovation for Inclusion: Building Inclusive Communities Together,” na naglalayong pag-ugnayin ang edukasyon at trabaho para sa PWDs.
Bagama’t nakasaad sa Republic Act 10524 na nagtatakda ng 1% na posisyon sa gobyerno para sa PWDs, aminado si Alava na marami ang hindi pa rin kwalipikado dahil sa kulang sa edukasyon.
Kaya naman nakikipagtulungan ang NCDA sa mga paaralan upang magbigay ng scholarships at iba pang oportunidad sa mga kwalipikadong PWD.
ADVERTISEMENT
Tinutulungan din ng NCDA ang mga PWD na makapasok sa mga kumpanyang tulad ng business process outsourcing (BPO), courier services, at restaurants, anuman ang uri ng kapansanan, basta’t matanggap sila sa aplikasyon.
Samantala, bilang bahagi ng selebrasyon, magsasagawa ang NCDA ng job fair para sa mga PWD sa Hulyo 18 sa Cebu City at Hulyo 22 sa Cagayan de Oro. (Edrei Mallorca/ News Light)



