Navotas, pinabilis ang pagkukumpuni ng navigational gate at river wall matapos ang malawakang baha | News Light

📅 July 1, 2025 10:13 AM PHT  |  ✏️ Updated July 2, 2025 10:08 AM PHT
👤 Dawn Pamulaya  |  📂 News Light, Latest News

Pinaigting ng mga opisyal ng Navotas City ang pagkukumpuni sa lumang navigational gate at bumagsak na pader ng ilog sa Barangay San Jose matapos ang ilang araw ng mataas na tubig at pagbaha na nagpa-evacuate sa mga residente.

Ayon kay Navotas Lone District Rep. Toby Tiangco, nakikipag-ugnayan siya sa DPWH-NCR, MMDA, at local district engineering office upang matiyak na ligtas at pasado sa international standards ang pagkukumpuni ng gate.

Natuklasan sa inspeksyon na may bitak ang driving arm ng 30-taong gulang na gate na siyang bumubuhat at kumokontrol sa pagpasok ng tubig mula Navotas River.

Pansamantalang nilagyan ng sandbags at plywood ang lugar, pero pinayuhan ang mga residente na maging alerto dahil sa inaasahang mataas pang tubig.

Humiling si Tiangco ng pondo para makapagpatayo ng pangalawang navigational gate bilang pangmatagalang solusyon sa pagbaha.

Ipinaliwanag niya na kritikal ang pagkukumpuni sa driving arm dahil ito ang may pinakamalaking karga, kaya’t dapat masuri at ma-testing na naaayon sa American Welding Society at Bureau of Shipping standards.