Nakamamanghang ganda ng Quezon Islands, tampok sa 2025 Heritage Cruise Expedition ng DOT CALABARZON

📅 June 16, 2025 01:14 PM PHT  |  ✏️ Updated June 16, 2025 01:14 PM PHT
👤 rasibag  |  📂 DZJV Radyo CALABARZON, Quezon
Photo courtesy: Anna Mole

Matagumpay na pinasinayaan ng Department of Tourism (DOT) CALABARZON katuwang ang Sharp Travel Services ang 2025 Heritage Cruise Expedition, kung saan naglayag ang mga turista sa karagatan ng Burdeos at Patnanungan sa lalawigan ng Quezon.

Halos 120 dayuhang turista ang lumahok sa eco-tourism cruise kung saan kanilang nakita at naranasan ang kagandahan ng Tinagong Pantay Cave sa Patnanungan at Anilon Island sa Burdeos, na kilala sa makulay na buhay-dagat at may mga aktibidad gaya ng snorkeling.

Ayon kay DOT CALABARZON Regional Director Marites Castro, layunin ng programa na isulong ang sustainable at inclusive tourism, habang pinapalakas ang partisipasyon ng mga lokal na komunidad at pinapakita ang likas at kultural na yaman ng rehiyon.

Ibinahagi naman ni Benjie Bernal ng Sharp Travel na labis na humanga ang mga turista sa ganda ng kalikasan at kultura ng Quezon at marami sa kanila ang nagpahayag ng interes na bumalik sa rehiyon.

Ang cruise expedition ay nagsimula noong June 12 at nakatakdang matapos sa June 18.