Habang abala sa pag-iimbestiga sa flood control, lumalala naman umano ang korapsyon sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ayon kay Senador Erwin Tulfo. Dahilan ito para maghain ng resolusyon ang senador para matigil ang korapsyon sa ahensya.
Inihain ni Senador Erwin Tulfo ang Senate Resolution 180 na layong paimbestigahan sa Blue Ribbon Committee ang aniya’y money-making scheme sa BIR.
Ayon kay Tulfo, batay sa reklamo ng ilang negosyante sa kanya, isinasakatuparan umano ng mga kawani ng BIR ang korapsyon sa pamamagitan ng letter of authorities (LOA). Nakakakuha umano ng ilang porsyento ang mga kawani sa kokolektahing buwis sa mga negosyante at nagbibigay pa ng diskwento sa kanilang sisingiling buwis.
ADVERTISEMENT
Dagdag pa ng senador, dawit din ang mga tauhan ng BIR hanggang regional directors, at mas tumindi aniya ang kalakaran sa pamumuno ni dating Commissioner Romeo Lumagui Jr. noong 2024. Ito na aniya ang pangalawang ahensya na korap, sumunod sa DPWH.
Magugunitang kahapon din, ipinag-utos ni BIR Commissioner Mendoza at Finance Secretary Go ang suspensyon ng LOA, mga mission order at iba pang field units alinsunod sa Revenue Memorandum Circular 107-2025.
Para umano ito upang mapanatili ang disiplina, karapatan ng taxpayers at integridad sa proseso ng mga audit sa ahensya. (Denniel Salayo/News Light)




