Mga pulis na sangkot sa kaso ng mga missing sabungero, dawit din umano sa mga pagpatay noong drug war; imbestigasyon, dapat pang palawigin ayon sa Palasyo | News Light

📅

‘Dapat pang palawigin ang imbestigasyon hinggil sa kaso ng mga missing sabungero.’

‘Yan ang naging tugon ng Palasyo matapos sabihin ni Justice Secretary Crispin Remulla na posibleng may koneksyon ang pagkawala ng mga sabungero sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam kay Remulla ng isang news channel, sinabi ng justice secretary na dawit din umano sa mga extrajudicial killing noong drug war ang mga sangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga sabungero.

Aniya, maaaring ang pumatay sa mga sabungero ay may kasaysayan na ng pagpatay noong drug war.

Nakahanda ang pamahalaan na sampahan ng patong-patong na kaso ang mga suspek, kabilang ang kidnapping, murder, at paglabag sa international humanitarian laws.

ADVERTISEMENT

Tiwala naman ang kalihim na may mahahanap pang labi ng mga missing sabungero na itinapon umano sa Taal Lake.

Nakatakdang magsagawa ng technical diving ang pamahalaan sa Taal Lake para mahanap ang labi ng mga sabungero — at sisimulan ito sa isang fish pond na pagmamay-ari umano ng isa sa mga suspek.