Nagreklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) regional office ang BPO Industry Employees’ Network (BIEN) sa Cebu laban sa halos sampung business processing outsource companies buhat sa mga kaso ng paglabag sa karapatan at kaligtasan ng mga manggagawa noong lumindol sa lalawigan.
Sa nakakaalarmang report ng BIEN, pinwersa umano ang mga empleyado na tumanggap pa rin ng tawag sa kalagitnaan ng paglindol; hinarangan pa di umano ang mga labasan sa kani-kanilang mga palapag.
May mga manggagawa ring pinagpapaliwanag, na-sanction, tinanggalan ng incentives at benepisyo, at iba pang “retaliatory actions” dahil lamang sa hindi pagsipot sa trabaho.
Ayon din sa grupo, malinaw itong paglabag sa Republic Act 11058 na nagpapatibay sa occupational safety and health standards at nag-aatas ng kaligtasan sa mga workplaces, kaya dapat lamang na maimbestigahan ito ng DOLE.
ADVERTISEMENT
Malaking halimbawa umano ito ng corporate greed ng mga BPO company, na mas pinipili pang isakripisyo ang kaligtasan ng mga agents para sa profit.
Sa huling tala, 72 na ang bilang ng nasawi sa Cebu dahil sa paglindol, at 3,685 aftershocks na ang naitala, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology. (Denniel Salayo/ News Light)



